Pa-standby

0
28

NITONG nakaraan lang, libu-libo na ang mga nahuhuling tambay ng mga pulis dahil sa utos ni Presidente Rodrigo Duterte

At sa mga panghuhuling ito, may mga naiulat din na namatay.

Pero hindi ganito ang pagkakaalam ko sa pagtatambay.

Noong ako’y tumapak sa kolehiyo, naging hobby ko nang tumambay. Ang madalas na dahilan ay walang pasok, walang prof dahil may emergency raw, pero ang mas madalas na dahilan ay dahil gusto kong mag-chill at lumayo sa stress. Kahit saan ay uubra na, basta’t presko at may pupuwestuhan.

Ngunit kahit na sabihin kong “hobby ko nang tumambay’, malamang ay hindi pa rin ako ituturing na “tambay” ng lipunan kasi nag-aaral naman ako, hindi umiinom, at lalong hindi lumalabas ng bahay ng half-naked.

Marami ang nagsasabi na ang mga tambay raw ay parte na ng kultura at pamumuhay sa Pilipinas. Pero ayokong maniwala na parte ng mayamang kultura at pamumuhay ng ating bansa ang isang pambarangay na issue ukol sa mga “tambay”.

Ang pagiging tambay ay isang repleksyon ng tunay na issue, ang pambansang issue ng kakulangan ng trabaho at kawalan ng displina.

Ang salitang tambay ay hango sa salitang ingles na “stand by”, na ibig sabihin ay manatili ka lang sa iyong lugar habang naghihintay.

Sa ganitong konteksto, hindi limitado ang kahulugan ng “tambay” sa mga nakahubad-baro na “kanto boys” na makikita mo sa paligid habang naglalakad patungong trabaho o eskuwelahan.

Kung ganito, hindi lamang silang mga half-naked at nasa tabi-tabi ang mga tambay kundi pati ‘yung mga mayayaman at middle class na “nakatambay” sa convenience stores kahit wala namang binili, ‘yung mga nasa loob ng mall na feel na feel ang lamig ng aircon at nandiyan pa ‘yung mga ilang oras na nakaupo sa loob ng fast food chains kahit kanina pa ubos ang biniling fried chicken — pati na rin ‘yung mga nasa coffee shops na nakiki-wi-fi lang naman talaga.

Ang daming forms ng tambay, kahit nasa bahay ka, ay puwede ka ring tumambay.

Pero ang iniisip ko ngayon, bakit silang mga “kanto boys” lang ang nagiging ugat ng problema? Dahil ba madali lamang isisi sa mga “tambay” ang mga issue at problema ng bansa kaysa ayusin ang magulong sistema sa pamamahala?

Hindi naman siguro ganoon ang dapat maging kalakaran. Pero ang maipapayo ko lang din sa mga tambay sa daan, tama na ‘yan. Galaw-galaw rin paminsan, baka mai-stroke. Maghanap na lang kayo ng legal na mapapagkakitaan para naman kahit paano ay makatulong.

— Rochelle Acse

SHARE
Previous articleAiling Akihito cancels work sked
Next articleA game-changing shift
Concept News Central
CONCEPTNEWSCENTRAL (CNC) is a news-gathering organization established by Concept Group Inc., a corporation operating under the laws of the Republic of the Philippines, with business address located at 3450 Concept Building, Florida Street, Makati City, Metropolitan Manila, the Philippines. Read More...

LEAVE A REPLY