Suntukan

0
22
elmer

SA grupong kinabibilangan ko, madalas na nagiging simula ng biruan yung mga tinatawag na witty humor, o yung mga bagay na akala mo seryoso, pero kapag inisip mong mabuti, nakakatawa pala.

Isang halimbawa nito ay kapag mayroong mga kaganapan sa paligid, o kung may pinanonood kami, lalo na kung sports.

“Na-cancel daw ang boksing.” “Bakit?” “May nagsuntukan daw.”

“Hindi na tuloy yung 100 meter dash. “Bakit?” “Nagtakbuhan yung mga kasali.”

“Na-injure daw yung swimmer ng 50 meter freestyle.” “Bakit?” “Nag-cross siya sa finish line.”

Ilan lamang iyan sa mga hirit na kung hindi ka pamilyar, hindi ka matatawa.

Pero sa nangyaring gulo sa FIBA qualifiers kung saan nagpang-abot yung mga players ng Gilas Pilipinas at Australia, hindi na yun maaring gawing biro.

Bilang isang nasyon na basketball ang pinakatanyag na anyo ng palakasan, hindi natin maaring palampasin na lamang yung mga ganung bagay, lalo na kung ang pag-uusapan ay balyahan o sakitan.

Totoo, contact sport ang basketball, pero kung sasadyain na ng kalaban na manakit, hindi naman sila uubra sa pagkulo ng dugo ng mga Pinoy.

Kahit naman noong nagsisimula pa lamang ang PBA, halos maging normal na lang yung mga balyahan at sakitan, at may kasabihan pa noon na ganito: “No harm, no foul.”

May mali siguro ang magkabilang panig, at dapat siguro ay hindi pinairal ang init ng ulo, dahil isa lang naman itong laro kung tutuusin.

Pero hindi mo masisisi yung mga sumali sa gulo dahil na rin sa tinatawag na “instinct.”

Ang maganda lang dito, kung matapos na ang mga career nila sa basketball, puwede silang mag-shift sa mixed martial arts o kaya ay boxing.

Kung kayo ang tatanungin, ano ang gusto niyo – away or gulo?

Gulo na lang, para walang away.

LEAVE A REPLY