Drug test?

0
19

MANDATORY drug test sa mga eskuwelahan mula Grade 4 hanggang high school, pabor ka ba o hindi?

Kamakailan lang uminit ang usapin sa ‘mandatory drug test’ na plano ng Philippine Drug Enforecement Agency (PDEA) para sa mga paaralan sa buong bansa.

Base sa pagtatanong ng ilang mamamahayag sa mga estudyante at magulang, sinabi nila na kung wala namang itinatago, hindi dapat matakot sa ipatutupad na drug test at wala din naman umanong mawawala.

Paraan din umano nila ito para malaman kung nabiktikma na ng ipinagbabawal na gamot ang kanilang mga anak.

Mayroon din naman nagsasabi na masyado pang bata ang mga nasa elementarya para isailalim sa drug test. Ilang opisyal din ng gobyerno ang nagpahayag ng kanilang pagtutol sa balak ng PDEA.

Saad nila, masasayang lang ang malaking pondong gagastusin para dito at baka mauwi lang sa katiwalian.

Para sa akin, mas mabuting maglunsad muna ng malawakang pag-aaral, bigyan ang mga estudyante ng kaalaman kung para saan ang isasagawang drug test at kung ano ito.

Magkaroon din sana ng parent-teacher conference upang maipaliwanag sa mga magulang ang kahalagahan ng pagsusuri sa kanilang mga anak at kung paanong proseso ang gagawin  dito.

Layunin ng pagsusuri na matukoy kung gaano kalaganap o karami ang drug users sa paaralan para makagawa ng kaukulang hakbang ang kinauukulan at matulungan ang mga mag-aaral na matutukoy na gumagamit ng illegal na droga.

LEAVE A REPLY