Walang libre

0
25
elmer

MULI na namang sumugod ang Kadamay sa isang housing project sa Rodriguez, Rizal upang okupahin ang mga housing units na umano’y nakatiwangwang lamang at hindi napapakinabangan.

Pero hindi nagtagumpay ang grupo sa pag-okupa sa mga bakanteng bahay dahil na rin sa pakikialam ng mga residente doon at ng kapulisan.

Ang isinisigaw ng Kadamay, bakit hindi na lang ibigay sa kanila ang mga bakanteng bahay upang kanilang mapakinabangan? Sila ang nangangailangan ng matitirhan, kaya sila ang dapat magkaroon ng oportunidad upang magkaroon ng sariling bahay na galing sa gobyerno.

Pero ang malaking tanong, hindi ba inokupa na ng Kadamay ang mga bakanteng bahay sa housing project sa Pandi, Bulacan? Ano na ang nangyari doon?

Hindi naman sa pag-iisip ng masama sa kapwa, pero ang mga bakanteng bahay sa Pandi, Bulacan ay ibinigay na mismo ng Pangulong Rodrigo Duterte sa mga miyembro ng Kadamay na omukopa doon, pero bakit parang hindi sila nakukontento?

Sa panibagong pagsugod ng grupong ito upang angkinin ang mga bakanteng bahay na itinayo ng pamahalaan para sa mga kasundaluhan at kapulisan, maiisip mo rin na mukhang may kakaibang motibo ang grupong ito.

Sa panahon ngayon, wala nang libre. Lahat ng bagay, para makamit mo, kailangang paghirapan mo at pag-ukulan mo ng panahon, pawis at dugo upang masabi mong sa iyo na nga ito.

Napakasuwerte naman ng Kadamay kung lahat ng ookupahin nilang mga bakanteng bahay ay ibibigay na lamang sa kanila.

Paano naman ang mga taong walang matitirhan pero hindi nila miyembro? Wala na ba silang karapatan upang magkaroon din ng sariling tahanan?

Siguro, ang dapat gawin ng Kadamay ay patunayan sa lahat na karapat-dapat sila na magkaroon ng tahanan na mula sa gobyerno.

Sa ginagawa nila ngayon, nagmumukha silang mga professional squatter.

LEAVE A REPLY