Minimum wage itaas

0
11

DITO sa Pilipinas, lahat ng bagay ay mahirap nang makuha — kailangan mo munang kumayod ng kumayod upang ikaw ay makaraos sa araw-araw — sa madaling salita, lahat ay dapat pinaghihirapan.

Sa panahon ngayon, nalalabuan ako sa kalagayan ng bansa dahil patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng mga de lata, bigas, asukal at iba pa. Ngunit ang suweldo ng isang ordinaryong manggagawa ay hindi naman tumataas.

Paano naman ang mga mahihirap na Pilipino? Lalo silang mababaon sa kanilang kalagayan kung hindi mapipigilan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at kung hindi sila mabibigyan ng magandang pagkakakitaan.

Ang tanong ng nakararami, hanggang kailan mananatili ang sistemang ganito? Hindi na naka-angat ang bansa sa kahirapan at patuloy na nadadagdagan ang pasakit ng mga mamamayan.

Bilang isang Pilipino, masakit na malaman ang katotohanan na kung sino pa ang mga nagpupursige sa trabaho ay sila pa ang naghihikahos sa buhay, samantalang karamihan sa mga pulitiko sa bansa ay walang kahirap-hirap na kumita ng milyones dahil sa pangungurakot.

Ang munting hiling ng ilang trabahador ng bansa, sana naman ay dagdagan o taasan na ang minimum wage sa bansa upang kahit paano ay makasabay sila sa pagtaas ng cost of living sa bansa.

LEAVE A REPLY