Saan aabot ang pera mo?

0
24

SA panahon ngayon, kahit anong pagtitipid mo, wala pa ring natitira sa sinasahod mo.

Pang-tuition, pambaon, pamasahe, pambayad sa upa sa bahay, pambili ng gamot, pambayad ng kuryente, pangkain, pambayad sa water bill, pambayad sa internet plan at kung ano-ano pang babayaran.

Kaya nga naman, nagiging biruan na ang tila paglipad ng pera sa kamay mo pagkatanggap na pagkatanggap mo ng sahod.

Ganyan ang mga Pinoy, ginagawang na lang biro ang kahirapan. Dinadaan na lang sa biro ang kalungkutan. Kaya kahit gutom na, tumatawa na lang sabay inom ng tubig.

Patuloy ang pagtaas ng gasolina. Ang epekto? Tataas ang kuryente at ang presyo ng mga produkto. Sasabayan pa ng TRAIN law.

Grabe na ang itinaas ng presyo ng mga bilihin. Yung dating sampung pisong turon sa kanto, kinse pesos na ngayon. Kung dati, ang pinakamurang bigas na mabibili mo ay nagkakahalaga ng P35, ngayon P45 na.

Naiisip ko tuloy, paano pa kaya nabubuhay ang mga mahihirap na pamilya sa bansa? Kung pati ang instant noodles P10 na? Kung ang kapeng 3-in-1, P8 na? Kung ang sardinas ay P16 na?

Hindi ko alam kung anong aksyon ang dapat na gawin ng gobyerno para rito. Pero ang alam ko, hindi dapat umaasa nang sobra-sobra ang mga mahihirap sa ayuda ng gobyerno. Matuto rin sanang magbanat ng buto at magsipag ng doble para dumating ang panahon na hindi na kailangan pang pumila sa DSWD para kumuha ng ayuda.

Sana magawaan ng paraan ng gobyerno ang walang tigil na inflation. Kahit kasi middle class ngayon, nahihirapan na ring mag-budget.

LEAVE A REPLY