Superhero

0
14
elmer

NAPANOOD niyo na ba ang Avengers Infinity War?

Kung hindi pa, may tsansa ka pa para manood, dahil paniguradong magtatagal sa mga sinehan sa buong Pilipinas ang nasabing pelikula, maliban na lang siguro kung wala ka talagang pampanood ng sine.

Napanood ko na siya, at masasabi kong malayong-malayo ang kuwento nito sa orihinal na kuwento nito sa mga comic books, at kung ikaw ay talagang tagasubaybay ng comic books, makikita mo ang malaking kaibahan sa kuwento, at sa mga bida nito.

Magkaiba ang kuwento, oo, pero hindi ko sinabi na pangit ang pelikula. Hindi man maaring ipantay sa mga malulupit na trilogies gaya ng Lord of the Rings o kaya naman The Hobbit, masasabi kong isa ito sa mga pinakamagandang pelikulang napanood ko.

Pero ano kaya kung magkaroon din ang Pilipinas ng ganitong klase ng pelikula?

Marami naman tayong sarili nating mga karakter, gaya nina Flavio, Narda at Teng-Teng. Kung hindi mo sila kilala, sila ay sina Panday, Darna at Captain Barbell. Isama mo na din pala si Enteng Kabisote.

Puwede rin namang isali sina Lam-ang at Bernardo Carpio para mabuo na ang pinakamalakas na grupo sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino.

Kung bubuo tayo ng isang kuwento na sila ang bida, palagay ko naman magkakaroon din tayo ng isang maayos na pelikula, pero dapat solido ang kuwento at magkakaroon ng maayos na pagtatagpi-tagpi ng mga kuwento upang mag-krus ang kanilang mga landas.

Kung sa kalaban naman, si Lizardo na lamang ang maaring tumapat sa mga ito, pero hindi ko alam kung sino ang maaring gumanap ng karakter nito, dahil matagal nang namayapa si Max Alvarado, na siyang nagbigay-buhay sa sobrang samang karakter ni Lizardo.

Sana may maglakas-loob na tumahi ng isang epikong kuwento na magsasama-sama ng mga karakter na ito na tunay namang sumasalamin sa kulturang Pilipino.

Pero sa tingin ko, kahit magsama-sama sila, hindi pa rin sila uubra sa isang taong namamayagpag sa panahon ngayon.

Si Ricardo Dalisay lang ang katapat nila.

LEAVE A REPLY