Dekada Otsenta

0
48
elmer

SA aking paglilinis ng mga kalat sa computer, may nadaanan akong email na ipinadala sa akin noon pang 2003. Kung iisipin ko, talagang napakarami na palang mga lumang mensahe na naitago ko nang hindi ko napapansin.

Ang aking ibabahagi sa inyo ngayon ay mga bagay na maaring hindi mo na naabutan kung ikaw ay millennial na, subalit kung ikaw ay may muwang na noong 80s, sigurado akong makakarelate ka rito.

Paano mo masasabi na kabilang ka sa henerasyon na ito?

Narito ang ilan sa mga bagay na makakapagpatunay na kabilang ka nga sa isa sa mga pinakamasayang henerasyon ng kasaysayan ng panahon, ang Dekada 80.

– Paborito mong panoorin ang Shaider, Bioman, Maskman, Mask Rider Black, Machine Man at kung ano-anong TV series ng Japan na isinalin sa Tagalog. Break muna sa mga laro kapag alas singko na ng hapon tuwing Sabado dahil panahon na para sa superhero marathon.

– Alam mo ang jingle ng Nano-Nano. (isang kending lasang champoy)

– Nanonood ka ng Takeshi’s Castle at naniniwala kang si Anjo Yllana talaga si Takeshi at si Smokey Manaloto ang kanyang alalay at pinagiisipan mo kung paano sila lumalaban sa final challenge na parang nakasakay sila sa isang bumpcar at nagbabarilan sila gamit ang water gun gayong sa Japan ginagawa yun.

– Naglaro ka ng Shake-Shake Shampoo, Monkey-Monkey-Annabelle, prikidam 123, Langit-Lupa-Impyerno, Siyato, Luksong-Tinik, Luksong-Baka, 10-20 at kung ano-ano pang larong nakakapagod.

– Nagpauto ka sa Batibot pero hindi sa ATBP.

– Nakipag-away ka para makapaglaro ng brick game. (hi-tech na yun noon)

– Ang “text” noon ay mga 1”x1.5” na karton na may mga drawing ng pelikulang Pinoy, at may dialog pa.

– Napaligaya ka ng maraming pinoy bands tulad ng Yano, Rivermaya, Grin Department, Tropical Depression, The Teeth, The Youth, After Image, Orient Pearl, The Dawn, Alamid, Wolfgang, at ang sikat na sikat na Eraserheads.

– Alam mo ang ibig sabihin ng “TIME FIRST!”

Naging masaya ako noong mga panahon na ito, mga panahon na wala pang problema kung saan ka kukuha ng pang-load sa telepono or pang-internet. Masarap pa ring balikan ang mga ganitong alaala at maaring maituro ko pa ang iba sa mga susunod na henerasyon.

LEAVE A REPLY