More public hospital, please

0
27

ILANG gabi din akong puyat sa pagbabantay sa lola ko sa hospital sa aming probinsya. Matanda na ang lola ko at hindi na maiiwasang magkaroon ng sakit lalo na at mayroon siyang high blood at hika.

Sa tuwing nao-ospital ang isa sa pamilya namin, natutulungan kami ng gobyerno gamit ang Philhealth ng nanay at lola ko kaya wala kaming binabayaran at naka-charity ward kami. Kapag walang available na gamot ang hospital, doon lamang kinakailangan naming bumili ng gamot sa botika sa labas.

Sa pagbabantay ko sa lola ko, sinusubukan kong lumibot sa ospital upang talunin ang aking antok. Sa paglilibot ko, nakakaramdam ako ng awa para sa ibang pamilya na katulad ko na hindi kayang magbayad sa pribadong hospital. Nakakita ako ng mga pasyente na ang kanilang puwesto ay nasa hallway dahil sa kakulangan ng kuwarto pero pasalamat ako at nasa maayos na kuwarto nailagay ang lola ko.

Alam ko na hindi kasalanan ng gobyerno kung bakit maraming mahihirap sa bansa pero naisip ko na ang pamahalaan ang dapat nangangalaga sa kanyang mamamayan. Habang naglalakad ako hindi ko maiwasan isipin na bakit hindi magdagdag ng ospital ang gobyerno para wala nang pasyente ang kailangan nasa hallway o koridor lamang nilalagay.

Naisip ko na ang kahirapan ay mukha din ng kalusugan, na kapag mahirap ka huwag kang umasang magiging madali para sa iyo ang buhay lalo na kapag may sakit ka at mahirap ka, lalo na kapag wala kang kakayahan.

Noon, hindi libre ang pagpapagamot pero nagawa ng ating pamahalaan na ilibre ang pagpapaospital ng mga mahihirap sa bansa. Sana patuloy pang maging maayos at mapaganda ng ating pamahalaan ang serbisyong pangkalusugan na pakikinabangan ng lahat.

LEAVE A REPLY