Pagsubok

0
46
elmer

MINSAN sa buhay natin, dumadating talaga yung mga pagsubok na nagpapahirap sa ating buhay, at kung mamalasin ka pa, sunod-sunod at kabit-kabit na hirap ang bigla mong dadanasin.

May mga pagkakataon na mas marami ang sumusuko at tumitigil na lamang sa paglaban dahil nawawalan na ng pag-asa, pag-asang makakabangon at makakabawi pa dahil sa tindi ng pagsubok na naranasan, at ito ang nakakapaglugmok sa isang tao at minsan, nagiging sanhi rin ito ng pagpapakamatay.

Pero ang pagsubok, sabi nga nila, ay parte ng buhay. Hindi mo matatawag na buhay ang buhay mo kung wala kang mararanasang pagsubok.

Ang pinaka-magagawa mo na lang ay harapin ng buong tapang ang pagsubok, suungin ang mga hirap na idudulot nito at kung igupo ka man nito sa simula, isipin mo na kailangan mong bumangon uli. Kailangang bumangon at lumaban.

Kapag nadapa, tumayo ka. Umabante ka. Huwag kang umatras.

Naalala ko tuloy yung ibinida sa akin ng kaibigan ko tungkol sa anak niyang lalaki.

Ang kuwento niya, umuwi daw ang anak niyang lalaki galing sa eskuwelahan na may malaking sugat sa tuhod, at noong tinanong niya kung ano ang nangyari, ang sagot daw sa kanya ng anak niya, “Nadapa ako kasi tinulak ako ng classmate ko, pero hindi ako umiyak…”

Siyempre, natuwa yung kaibigan ko, at sinabi niya sa anak niya, “Ang tapang talaga ng anak ko…”

Sabi ng anak niya, “Siyempre naman dad… hindi talaga ako iiyak, kasi sabi nga doon sa paborito kong kanta, yung BIG GIRLS DON’T CRY…”

LEAVE A REPLY