Opinyon

0
52
elmer

‘SANA naman may hangganan rin ang kritisismo.’

Narinig ko iyang mga salita na iyan mula sa isang politko sa ating bayan habang tinatalakay nila ang isang sensitibong usapin sa isang pampublikong pagdinig.

Mula sa mga salita na iyan, mapapagtanto mo na parang naghihimutok ang nagsasalita dahil sawang-sawa na siya sa mga pambabatikos sa kanya.

Subalit kung sisipatin mong mabuti, ang kanyang sinasabi ay may mga butas, sapagkat kung ititigil mo ang kritisismo – masakit man o mabuti – ito ay isang paraan din ng pagsugpo o pagsupil sa malayang pamamahayag.

Maaring sa tingin ko ay parang batang naghihimutok lamang ang politikong ito dahil hindi niya matanggap na maraming batikos laban sa kanya, pero ito ay opinyon ko lamang.

Dahil diyan, isang argumento ang nabubuo sa isip ko ngayon: Ang opinyon ba ng isang tao ay maikokonsidera mong tama o mali?

Bibigyan ko kayo ng halimbawa.

Kapag sinabi mo sa akin na mali ako, at ikaw ang tama sa isang usapin na tinatalakay natin, opinyon mo yun, iginagalang ko, dahil may karapatan ang lahat sa malayang pamamahayag.

Pero kung sabihin ko sa iyo na mali ka sa opinyon mo, opinyon ko yun. Kung hindi mo igagalang yun, diyan nagsisimula ang problema. Ayaw mong igalang ang opinyon ko, dahil sa opinyon mo ikaw ang tama. At siyempre, ayaw kong igalang ang opinyon mo, dahil sa opinyon ko na mali ka at hindi ko matatanggap ang sinabi mo.

Sino ang tama dito? Paano natin ireresolba ito?

Siguro ang pinakamaganda, manahimik na lang tayong lahat. Kung wala kang sasabihing maganda, hindi masama kung hindi na lang magsasalita, hindi ba?

Sabi nga sa kasabihan, silentium est aurum.

Kung hindi niyo alam ang ibig sabihin niyan, manahimik na lang kayo.

LEAVE A REPLY